Nakapagtala ang Department of Education ng 97% na utilization rate o paggamit ng P40 bilyon na pondo para sa Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Educaiton (E-GATSPE).
Sa naging pagdinig sa Senado, sinabi ni DepEd Director Rara Rama na ilang billing statements na lang ng ibang paaralan ang hinihintay pa ng government assistance and subsidies office ng DepEd para maipakitang ganap na nilang nagamit ang kanilang pondo.
Una nang binuo ng DepEd ang opisina ni Rama bilang tugon sa napaulat na pagkakaroon ‘ghost students’ na nakakatanggap ng benepisyo para sa E-GATSPE program.
Tiniyak ni Rama na nagpapatupad na sila ng mas mahigpit na proseso para sa beripikasyon ng mga benepisyaryo, bagamat aminadong nakakadagdag ito sa haba ng proseso.
Tiniyak naman ng opisyal na hindi nagdudulot ng abala sa learner beneficiaries ang dagdag layer sa proseso na ito.
Ibinahagi naman ni Private Education Assistance Committee (PEAC) Executive Director Doris Ferrer na mula school year 2020-2021 hanggang school year 2022-2023 ay nakapagrekomenda na sila ng termination ng 32 voucher-participation schools dahil sa iba’t ibang anomalya at hindi pagsunod ng tama sa programa.
Target aniya ng komisyon na maalis na ang mga hindi karapat-dapat na mga benepisyaryo sa voucher program bago magbukas ang academic school year 2024-2025. | ulat ni Nimfa Asuncion