Nais ng isang mambabatas na gawing araw-araw ang Valentine’s Day para sa mga Pilipinong may sakit sa puso.
Sa pamamagitan ito ng House Bill No. 9924 or “VAT Exemption for Medicines Related to Cardiovascular Diseases Act”.
Ayon kay Agri party-list Rep. Wilbert Lee, hindi biro ang pagkakaroon ng sakit sa puso.
Bukod kasi aniya sa iniindang karamdaman ay dagdag pasakit ang malaking gastos sa gamot at operasyon sa mga may sakit sa puso.
Kaya may iba na hindi na araw-araw ang pag-inom ng gamot pang-maintenance .
Tinukoy nito ang datos ng Philippine Statistics Authority kung saan mula January haggang July 2023, ang Ischemic Heart Disease ang nangunang sanhi ng pagkamatay sa bansa na mayroong higit 65,000 na kaso o katumbas ng 19% ng total deaths sa Pilipinas.
Sa ilalim ng panukala ni Lee, aalisin ang VAT sa mga gamot para sa cardiovascular diseases (CVDs).
Maglalabas naman ang DOH ng listahan ng mga pasok na gamot na gagawing VAT-free. | ulat ni Kathleen Forbes