Ipinag-utos ng Department of Justice (DOJ) sa mga state prosecutor na tiyakin ang pagsasampa ng mabigat na kaso laban sa mga suspek na nasa likod ng pagdukot at pagpatay sa anim na Chinese national at tatlong Filipino citizen, na nangyari sa Ayala Alabang Village, Muntinlupa City noong Oktubre 30, 2023.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, nakitaan ng probable cause ang tatlong suspek para kasuhan ng four counts ng kidnapping at serious illegal detention with homicide, four counts ng kidnapping at serious illegal detention, isang count ng slight illegal detention at isang bilang ng carnapping.
Base sa resolusyon ng pisklaya ng Muntinlupa City noong Pebrero 15, 2024, kinilala ang mga akusado na sina Edgar Catapang Abarca, Eduardo Catapang Abarca at John Oliver Villanueva aka Carlo Acero Villanueva na kinasuhan sa Muntinlupa City Regional Trial Court.
Sa inisyal na imbestigasyon ng DOJ at PNP-AKG Luzon Field Unit noong Disyembre 29, 2023, ang tatlong Pinoy ay kinidnap at pinalaya ng mga suspek sa Calauan Laguna isang araw matapos ang pagdukot.
Habang natagpuang patay naman ang apat na Chinese na itinapon ang bangkay sa Rizal at Quezon noong Nobyembre habang pinaghahanap pa ang dalawa pang bihag na Chinese. | ulat ni Michael Rogas