Nananawagan ang Manila Electric Company o MERALCO sa mga kumpanya, lalo na yung matataas ang konsumo ng kuryente na lumahok sa Interruptible Load Program (ILP) ng pamahalaan.
Ito, ayon kay MERALCO Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga, ay upang makatulong sa pagtitiyak na mayroong sapat na supply ng kuryente sa darating na tag-init.
Aniya, ang ILP ay isang energy demand-side management program kung saan, hinihikayat ang mga MERALCO customer na malakas kumonsumo ng kuryente na gamitin ang kanilang mga generator set sa tuwing may insidente ng Red Alert.
Layon kasi nito na maibsan ang pagka-antala sa serbisyo ng kuryente para naman sa mga pangkaraniwang customer.
Sa kasalukuyan ani Zaldarriaga, nasa 103 kumpaniya sa loob ng MERALCO franchise area na mayroong 528 megawatts de-loading capacity ang kasalukuyang kabilang sa ILP.
Mula nang una itong ipinatupad noong 2014, naibsan ang pagkaantala sa serbisyo ng MERALCO sa nasa 1.8 milyong pamilya na kabilang sa franchise area nito. | ulat ni Jaymark Dagala