Aabot sa 14 barko ng China ang namataan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa West Philippine Sea kahapon na mas mababa kung maituturing sa mga naklipas na linggo.
Ito ang iniulat ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Commodore Roy Vincent Trinidad matapos na i-ulat ng Philippine Coast Guard ang panibgaong panggigipit ng mga barko ng China sa Pilipinas nang alalayan nito ang mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough o Panatag Shoal.
Sa pulong-balitaan sa Kampo Aguinaldo kahapon, sinabi ni Trinidad na bagaman marami pa rin ay hindi naman ito aniya nakababahala dahil itinuturing itong regular force deployment ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo.
Ini-ulat ni Trinidad na kahapon, isang barko ng China Coast Guard at apat na Chinese Maritime Militia vessels ang namataan malapit sa Pag-asa Island na siyang pinakamalaking military outpost ng Pilipinas.
May mga namataan ding presensya ng mga barko ng China sa Ayungin kung saan nakasadsad ang BRP Sierra Madre habang lima ang namataan sa Panata Island, dalawa sa Kota Island, at isa sa Parola Island.
Gayunman, walang namataang presensya ng China sa Patag Island, Rizal Reef, Likas Island, at Lawak Island na siyang sakop ng Kalayaan Group of Islands.
Binigyang-diin ni Trinidad na hindi sa bilang nasusukat kung dapat na bang maging banta ang China kundi sa mga ginagawa nitong panggigipit at pagtataboy sa mga barko ng Pilipinas sa sarili nitong Exclusive Economic Zone. | ulat ni Jaymark Dagala