Simula ngayong araw, huhulihin na ng pamahalaang bayan ng San Mateo sa Rizal ang mga namamaneho ng pedicab, e-bike, at e-trike na babagtas sa General Luna Avenue na isang National Highway.
Layon nito na matiyak ang kaligtasan ng mga tsuper, pasahero at maging ng iba pang gumagamit ng lansangan.
Ayon sa San Mateo LGU, alinsunod ito sa inilabas na direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong 2022 tungkol sa mga naitatalang aksidente sa lansangan sa nakalipas na taon.
Dahil dito, ipakakalat ang mga tauhan ng Task Force Disiplina para i-divert ang mga e-bike at e-trike drivers sa secondary roads gaya ng Daang Bakal Road at MH Del Pilar Street bilang alternatibong ruta.
Pinapayagan naman ang pagtawid ng naturang mga sasakyan sa kalsada basta malapit lang ang eskwelahan pero hindi dapat dirediretso ang pagbagtas sa kalsada.
Sinumang lalabag ay papatawan ng ₱2,500 na multa para sa una at ikalawang paglabag at pag-alis naman ng prangkisa para sa ikatlong paglabag. | ulat ni Jaymark Dagala