Tampok sa pagdiriwang ng ika-73 anibersaryo ng Department of Social Welfare and Development Bicol ang paglunsad ng isang trade fair para sa mga gawang produkto ng mga benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng nasabing ahensya.
Mga produkto mula sa anim na probinsya ng Bicol ang ibinida sa loob ng isang mall upang mabigyan ng pagkakataon na maibenta ang mga ito sa mas malawak na espasyo.
Ayon kay DSWD Bicol Regional Director Norman Laurio, sa ganito aniyang pamamaraan ay natutulungan ang mga benepisyaryo na makipag-ugnayan sa iba pang ahensya na maipakilala ang kanilang mga produkto sa malaki at mas malawak na merkado.
Gayundin, matutulungan nitong ipagpatuloy ang mga pinagkakakitaan ng mga benepisyaryo at asosasyon ng SLP.
Binigyang diin ni RD Laurio na sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay isa sa mga tinututukan nito ay ang seguridad sa pagkain kaya naman isa ang DSWD Bicol sa naghihikayat at nagpapalaganap ng nasabing adbokasiya.
Aniya, karamihan sa mga benepisyaryo ng SLP ay mga magsasaka kaya naman nararapat lamang na mabigyan sila ng sapat na suporta sa ilalim ng kanilang iba’t ibang mga programa.
Hinihikayat ni Laurio ang publiko na tangkilikin ang kanilang trade fair sa loob ng isang mall sa Legazpi City, Albay. Samantala, magtatagal ang nasabing aktibidad ng tatlong araw. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay
📷 DSWD Bicol