Nagsagawa muli ng operasyon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group-Strike Force sa bahagi ng EDSA Megamall Northbound ngayong araw.
Sa kabila ng pagiging holiday at maluwag ang EDSA, marami pa ring pasaway na mga motorista ang dumaan sa bus carousel lane.
Pinangunahan ni MMDA Special Operations Group Officer-in-Charge Gabriel Go ang operasyon kung saan umabot sa 25 na mga motorista ang natiketan.
Kasama sa mga nasita ang mga pribadong sasakyan at mga naka-motorsiklo.
Kabilang na rito ang naka-red plate na service vehicle at dalawa sa kanila ang uniformed personnel.
Katwiran ng ilang nahuli, dumaan sila sa bus lane dahil sa nagmamadali sila.
May ilan naman na nagpalusot at sinabing ginamit lang nila ang bus lane bilang overtaking lane.
Nasa P5, 000 ang multa para sa first offense sa mga hindi awtorisadong motorista na mahuhuling dumadaan sa bus carousel lane. | ulat ni Diane Lear