Nagkasundo ang Maynilad Water Services, Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau at ang Imus City Local Government Unit para sa pagsasaayos ng mga ilog sa ilalim ng “Bigkis-Tubig Program” ng nasabing water concessionaire.
Nakapaloob sa nilagdaang Memorandum of Understanding na bibigyan ng maayos na proteksyon, rehabilitasyon at tamang pamamahala ang mga ilog, partikular ang mga nagsisilbing water sources ng inuming tubig.
Magtutulungan ang Maynilad at DENR-EMB at Imus LGU sa mga isasagawang aktibidad para sa Julian at Imus Rivers.
Kabilang dito ang paglilinis sa daluyan ng tubig, pagtatanim ng bakawan, pagbibigay ng cleaning materials at pagpapatupad ng community development projects.
Ang Julian at Imus Rivers ay gagamitin ng Maynilad bilang ‘raw water source’ para sa Modular Treatment Plants nito para pagkunan ng inuming tubig para sa mga residente ng Imus.
Kapag ganap nang operational ang parehong planta ay mapagsisilbihian nito ang humigit-kumulang 132,000 mga customer sa nasabing lugar. | ulat ni Rey Ferrer