“Habang may buhay, may pag-asa.”
Kaya naman hindi nawawalan ng pag-asa ang mga tsuper ng jeepney sa Mandaluyong City na magtutuloy ang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Nabatid na ₱0.95 centavos ang rollback sa kada litro ng Diesel, ₱0.70 centavos naman sa kada litro ng gasolina habang nasa ₱1.10 ang bawas sa kada litro ng kerosene.
Ayon kay Domingo Ostero, isa sa mga driver ng jeepney sa Parklea Terminal, malaking bagay sa kanila sa tuwing nagbababa ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Kaya naman, tiyak ang ginhawa para sa kanila kung masusundan pa ang rollback hanggang sa bumaba na ng tuluyan ang presyo ng langis.
Pero aminado si Mang Domeng na bagaman welcome development sa kanila ang bawas-presyo, bitin pa rin ito sa ngayon.
Kaya naman, kaniya-kaniya sila ng diskarte para madagdagan ang kita gaya na lamang ng pagdaragdag ng biyahe. | ulat ni Jaymark Dagala