Inaasahang madaragdagan pa ang mga lugar na makararanas ng tagtuyot ngayong tumitindi na ang epekto ng El Niño sa bansa.
Sa inilabas na abiso ng PAGASA, magpapatuloy pa rin ang pag-iral ng “strong” El Niño hanggang ngayong buwan at posibleng pumalo sa 24 na lalawigan sa bansa ang labis na maapektuhan nito.
Kung pagbabatayan ang assessment map ng PAGASA, may 23 lalawigan sa Luzon at isang lalawigan sa Visayas ang nanganganib na makaranas ng tagtuyot.
Kabilang dito ang mga sumusunod na lugar: Abra, Apayao, Aurora, Bataan, Benguet, Cagayan, Cavite, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Isabela, Kalinga, La Union, Metropolitan Manila, Mountain Province, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Occidental Mindoro, Palawan, Pangasinan, Quirino, Rizal, Zambales at Negros Occidental.
Inaasahan din ang ‘dry spell’ sa 17 lalawigan habang ‘dry condition’ ang iiral sa 10 lalawigan.
Ayon pa sa PAGASA, posibleng isa o walang bagyo ang pumasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong Pebrero.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng PAGASA na mahigpit na itong nakatutok sa nagpapatuloy na El Niño phenomenon at monsoon activity.
Patuloy namang pinapayuhan ang mga ahensya ng pamahalaan at ang publiko na magpatupad ng mitigating measures para mabawasan ang epekto ng El Niño. | ulat ni Merry Ann Bastasa