Humirit ang ilang mambabatas sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na i-exempt na ang mga senior citizen mula sa umiiral na “number coding scheme.”
Sa joint hearing ng House Committees on Ways and Means, Senior Citizens, at PWDs, natanong ni Albay Representative Joey Salceda kung may “coding privileges” ba ang senior citizens.
Ani Atty. Joseph Salud, chairperson ng PWD and Senior Citizens Focal Point Committee ng MMDA, mayroon silang exemption sa PWDs ngunit ang aplikasyon ay kailangan aprubahan ng MMDA chairperson.
Kaya naman sabi ni Salceda isama na lang din ang mga senior citizen dahil iilan lang naman ang miyembro ng sektor na ito.
Magiging subject to restrictions and eligibility acquisition din naman aniya ang pribilehiyo.
Ayon naman kay United Senior Citizens Party-list Representative Milagros Magsaysay, kailangan ng mga senior citizen ng exemption sa number coding lalo na kung kailangan sila itakbo sa ospital o magpapa-check-up. | ulat ni Kathleen Jean Forbes