Pinayuhan na mismo ni House Speaker Martin Romualdez ang mga mambabatas na huwag nang patulan ang mga pahayag ng mga senador.
Sa pulong balitaan sa Batasan, sinabi ni House Deputy Majority Leader Janette Garin na matapos ang Ash Wednesday mass ay nakausap ng ilang kongresista si Speaker Romualdez.
Ang sabi aniya sa kanila ng House leader ay ituloy lang ang pagtatrabaho at iwasan na ang mga distraction.
Matatandaan na inihayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na nagkasundo sila ni Romualdez na itigil na ang “word war” kaugnay sa isyu sa People’s Initiative para isulong ang charter change.
Pero aminado si Garin na may mga mambabatas na nais pa ring sagutin ang ilan sa patutsada lalo na kung nakakasira sa Kamara.
Sabi naman ni Garin, na mahalagang magkaroon na ng ceasefire dahil hindi magandang halimbawa ang hidwaan at naaaksaya lang din dito ang pera ng tax payers. | ulat ni Kathleen Forbes