Ikinalugod ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chair at Kabayan Partylist Rep. Ron Salo ang anunsyo ng Bangko Sentral ng Pilipinas na umabot sa record high na $37.2 billion remittance ng mga OFW nitong 2023.
Sabi ni Salo, ang remittance ng mga OFW ay 8.5 percent ng kabuuang gross domestic product ng bansa at patotoo sa dedikasyon ng mga Filipino migrant workers.
“The Filipino spirit is very much alive in our country and all over the world. In the face of global challenges and uncertainties, our OFWs have once again demonstrated their hard work, dedication and resilience. This feat signifies their enduring commitment to their families and our nation,” sabi ni Salo.
Kasabay nito ay kinilala din ng mambabatas ang pagsusumikap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan ang kapakanan ng mga OFW at pagpapalakas sa bilateral relations sa ibang bansa para sa oportunidad na trabaho sa mga Pilipino.
Muli namang binigyang diin ni OFW party-list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang kahalagahan ng mga OFW.
Aniya, “lifeblood” ng ekonomiya ang mga remittance ng mga OFW kaya’t napakahalaga na suklian ng gobyerno nang maayos at angkop na serbisyo ang sektor na ito.
Ayon sa BSP, malaking bahagi ng paglaki ng remittances ay dahil sa mas pinalakas na deployment ng OFWs na malakas ang demand sa host countries.
“Ang 2023 remittances na ipinadala ng ating mga kababayan na nasa ibang bansa, lalo na ang ating mga Overseas Filipino Workers, ay nag-aambag ng 8.5 na porsyento sa ating gross domestic product at 7.7 na porsyento sa ating gross national income…. Sa ating mga minamahal na OFWs, salamat sa inyong malaking ambag sa ating ekonomiya at lipunan.” paglalahad ni Magsino.
Umaasa naman si Magsino na suportahan ng pamahalaan ang panukala na magkaroon ng diskwento sa remittance fees na binabayaran ng OFWs upang mas lumaki ang napupuntang padala sa kanilang pamilya. | ulat ni Kathleen Forbes