Umaasa ang ilang kongresista na tutugon si Kingdom of Jesus Christ Executive Pastor Apollo Quiboloy sa ipinadalang subpoena ng Kamara.
Matatandaan na nitong Lunes, naglabas ng subpoena ang Kapulungan upang padaluhin si Quiboloy sa hearing ng House Committee on Legislative Franchises na naka-schedule sa March 12 patungkol sa prangkisa ng SMNI.
Ayon kay PBA party-list Rep. Migs Nograles, huwag sanang sayangin ni Quiboloy ang pagkakataon na maipaliwanag ang kaniyang sarili sa komite.
Punto pa ng mambabatas na kung hindi dadalo ang pastor ay mauuwi ito sa contempt order.
“It’s only right na dumating po sana si Pastor para masagot po niya ‘yung mga katanungan that is in relation to him and his own personal knowledge. Sana po dumating siya para itong mga tinitingnan natin sa prangkisa ay makapagsalita po siya,” sabi ni Nograles.
Kasabay nito ay pinabulaanan ni Nograles na may kinalaman sa politika ang pag-iimbestiga nila sa SMNI.
Sabi ng lady solon huwag lituhin ang taumbayan sa isyu na nakatuon lamang aniya sa mga paglabag ng naturang network sa kanilang prangkisa.
Sa panig naman ni 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez, na pangunahing may akda ng panukala para bawiin ang prangkisa ng SMNI, sinabi nito na handang umaksyon at ipaaresto ang House committee on Legislative Franchises kung patuloy na iisnabin ni Quiboloy ang kanilang pagpapatawag.
“Kapag next hearing absent po ulit siya, I think ready po ‘yung committee to cite him in contempt and seek his subsequent arrest,” giit ni Gutierrez. | ulat ni Kathleen Forbes