Mayroon nang higit sa 27,000 community gardens ang naipakalat sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula nang manungkulan ang Marcos Administration.
Ito ay sa ilalim ng programang Gulayan sa Barangay Program ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nakahanay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Bagong Pilipinas campaign.
Ayon sa DILG, malaking improvement ang bilang na ito kung ikukumpara sa 2,000 community gardens lamang bago ang Marcos Admin.
Tinukoy rin ni DILG Undersecretary Chito Valmocina na lahat ng 17 rehiyon sa bansa ay nakiisa sa Gulayan sa Barangay kung saan ang bawat bakanteng lupa sa kanilang nasasakupan ay ginawang halamanan at gulayan.
“Before President Marcos came to power, there were about 2,000 community gardens, and now we have 27,000 of them all over the country,” ani Valmocina.
Sa pag-iikot din ng DILG sa iba’t ibang barangay, malawak na ang suportang natatanggap ng programa.
Sa ilalim ng programa, maaaring magamit ng mga barangay ang kanilang development funds para bumili ng mga binhi, fruit-bearing trees, mangrove wildlings, at mga materyales para sa community gardens.
Maging ang Sangguniang Kabataan ay maaari ring maglaan ang ₱20,000 para sa 40 sqare meters ng fishpond.
Kasama sa layunin ng community gardens ang matugunan ang food security sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa