Positibo ang ilang nagtitinda ng bigas sa Agora Public Market sa San Juan City na kayang makamit ang target ng pamahalaan na maging rice self sufficient ang bansa sa taong 2028.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa mga nagtitinda ng bigas, anila, kinakailangan lang na magkaroon ng mga tamang programa na tutulong sa mga magsasaka para mapalakas ang kanilang mga ani.
Bagaman aminado silang mahirap pero kakayanin naman ito lalo’t nakapako sa ₱54 ang kilo ng well milled rice habang ₱52 naman ang pinakamurang kilo ng broken rice.
Una nang sinabi ng National Irrigration Administration (NIA), plano nilang magdagdag ng mga dam para maging sapat ang suplay ng tubig na makatutulong naman sa mga magsasaka na makapag-ani ng palay sa gitna ng epekto ng El Niño.
Iminungkahi pa ng NIA ang plano ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. hinggil sa paglalagay ng solar powered irrigation units. | ulat ni Jaymark Dagala