Iniulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) na tumaas ng 17 porsiyento ang naitalang sunog sa iba’t ibang panig ng bansa bago sumapit ang Fire Prevention Month ngayong Marso 2024.
Sinabi ni BFP Central Office Community Relations Head F/Captain Gabriel Solano na mula Enero hanggang Pebrero 20, 2024 naitala ang 2,290 na kabuuang fire incidents.
Mas mataas ito sa 1,957 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taong 2023.
Pinakamataas na kaso ng sunog ay sa residential area na may 988 cases at 1,274 accidental fire incident habang nasa 958 ang fire case under investigation.
Umabot naman sa higit P1.176 billion ang kabuuang halaga ng pinsala sa ari-arian at imprastraktura.
Umakyat rin sa 21.9 porsiyento, 41 ang mga nasawi sa sunog na mas mataas sa 34 fatalities noong 2023.
Gayunman, bumaba naman sa 56.2% o 188 ang naitalang sunog sa National Capital Region (NCR) kumpara sa 429 cases na naitala noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Kasunod nito, ipinaalala ni Solano sa publiko na ang BFP ay nakahandang umalalay sa kanila at mag-ingat sa mga posibleng pagmulan ng sunog na kalimitan ay ikinasasawi ng kanilang mahal sa buhay. | ulat ni Rey Ferrer