Aabot sa 16 na mga proyektong pang-irigasyon ang inaasahang makatutulong pa lalo sa mga magsasaka sa lalawigan ng Bulacan.
Kasunod ito ng isinagawang turnover ceremony sa mga nakumpletong proyekto ng National Irrigation Administration (NIA) na pinangunahan ni OIC Deputy Administrator for Engineering and Operations Sector at concurrent NIA Region III Manager Engr. Josephine Salazar sa NIA Region III Covered Court, Tambubong, San Rafael, Bulacan.
Kabilang sa mga proyektong mapapakinabangan na ng mga magsasaka ang BUSPAN Solar Pump Irrigation Project in Bustos, rehabilitasyon ng Angat-Maasim River Irrigation System (AMRIS) sa San Rafael, ANBUSPA Solar Pump Irrigation Project in Bustos, Alagao Communal Irrigation System (CIS) sa San Ildefonso, Cacarong CIS sa Pandi, Maligaya CIS, at Sibul CIS sa San Miguel.
Ayon sa NIA, nasa 15 irrigators association o katumbas ng 4,466 farmer-beneficiaries ang makakabenepisyo sa mga proyektong ito.
Nagpasalamat naman ang mga magsasakang benepisyaryo sa tulong ng NIA na anila ay katuparan ng kanilang mga pangarap at magiging daan sa mas malawak na sibol ng pagsasaka.
Kasunod nito, nagsagawa rin ang NIA ng consultative forum sa mga farmer-irrigators para sa mga proyektong nakalinya hanggang 2025 at lumagda rin sa Modified Irrigation Management Transfer (IMT) Contracts sa 152 asosasyon sa Bulacan. | ulat ni Merry Ann Bastasa