Nanawagan ang iba’t ibang negosyante at employers sa Senado na muling irekonsidera ang panukalang ₱100 umento sa sweldo ng mga manggagawa.
Nakasaad ito sa isinumiteng position papers ng nasa 17 grupo ng employers kasama ang Philippine Chamber of Commerce and Industry, at Employers Confederation of the Philippines.
Nakasaad sa liham na baka imbes na makatulong ay makasama pa sa business sector at sa mga manggagawa ang legislated wages..
Magiging malaking dagok aniya ito lalo sa micro, small and medium enterprises.
Ayon din kay ECOP Pres. Sergio Ortiz-Luis Jr., 16% lang ng manggagawa ang makikinabang dito habang maiiwan naman nito ang 84% ng mga manggagawa sa informal sector na maaaring tamaan naman ng mataas na inflation sakaling maaprubahan ang ₱100 umento.
Tinukoy din ng grupo na kakaapruba lang ng 15 regional boards noong nakaraang taon ng dagdag na umento kaya hindi pa napapanahon ang panukalang ₱100 legislated minimum wage.
Imbes na aprubahan ang panukala, iminungkahi ng mga samahan ng employers na tutukan ang mas komprehensibong hakbang para matugunan ang economic inequality lalo sa mga manggagawa sa informal sector. | ulat ni Merry Ann Bastasa