Umabot sa 3,510 motorista ang nahuli ng mga operatiba ng Law Enforcement Unit ng Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) dahil sa paglabag sa iba’t ibang batas sa trapiko.
Ayon sa LTO, 1,860 sa mga motoristang ito ang nahuli dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 4136, o mas kilala bilang Land Transportation and Traffic Code.
Kasama sa bilang na ito ang 311 hindi rehistradong sasakyan sa ilalim ng patakaran na ‘No Registration, No Travel’.
Nasa 1,097 motorista rin ang nahuli dahil sa hindi paggamit ng seat belt devices ayon sa Republic Act (R.A.) 8750. Bukod dito, 535 motorista ang nahaharap sa mga parusa dahil sa paglabag sa patakaran na pagsusuot ng standard protective motorcycle helmet (R.A. 10054), tatlo sa nilabag ang Anti-Distracted Driving Act (R.A. 10913), 14 sa hindi pagsunod sa Children Safety on Motorcycle Law (R.A. 10666), at isa para sa pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng ipinagbabawal na droga (R.A. 10586).
Ipinunto naman ni LTO-NCR Regional Director Roque “Rox” Verzosa III na magpapatuloy ang pinaigting na operasyong ito sa buong taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa