Inatasan ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ariel Nepumuceno ang mga Regional Office ng OCD na magsumite ng listahan ng lahat ng kritikal na pasilidad sa kanilang nasasakupan, kasama ang inspection report ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ito ay para matiyak ang integridad ng mga bahay, gusali, at kritikal na imprastraktura alinsunod sa National Disaster Risk Reduction and Management Plan (NDRRMP) 2020-2030.
Kasabay nito, ipinapasumite din ni Usec. Nepumuceno sa mga Regional Director ang updated na imbentaryo ng lahat ng available na rescue assets sa kanilang mga rehiyon, katulad ng rubber boats, heavy rescue equipment; water filtration machines, at information and communication equipment.
Paliwanag ni Nepumuceno, kailangan ng OCD ang naturang datos para matukoy at mapagplanuhan ang nararapat na “intervention” at istratehiya, upang maging mas epektibo ang ahensya sa paghahanda at pagtugon sa mga sakuna. | ulat ni Leo Sarne