Kinilala ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga naging ambag ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan hanggang sa ibayong dagat.
Ito’y makaraang pangunahan ni DFA Sec. Enrique Manalo ang lingguhang flag raising ceremony sa Kampo Crame ngayong araw (Pebrero 12) bilang pagpaparangal sa mga pulis na naging bahagi ng peacekeeping force ng United Nations sa South Sudan.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Manalo na bilang founding member ng United Nations, masigasig na nakikiisa ang Pilipinas sa pagpapanatili ng kapayapaan sa mga bansang nakararanas ng matinding sigalot.
Buhat aniya nang ipadala ang Limbas Squadron sa Congo noong 1963, sinabi ni Manalo na nakapagpadala na ang Pilipinas ng may 14,000 UN Peacekeeping Foce sa 21 bansa.
Kabilang na sa mga ito ay ang UN Peacekeeping missions sa Africa, Gitnang Silangan, gayundin sa Asya Pasipiko. | ulat ni Jaymark Dagala