Umaasa ang mga senador na maipapasa na agad sa lalong madaling panahon ang panakulang P100 taas sahod para sa mga manggagawa sa buong bansa.
Ito ay matapos ipresinta sa plenaryo kagabi ang naturang panukala.
Giniit ni Senate Committee on Labor Chairperson Senador Jinggoy Estrada, na kailangan ang dagdag sahod dahil sa epekto ng Inflation at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sa ngayon ay pinakamataas ang tinatanggap sa Metro Manila na P610 na daily minimum wage, pero sa mga probinsya ay may mga tumatanggap lang ng hanggang P300.
Sinabi ni Estrada, na ang panukalang ito ang tugon ng Senado sa panawagan ng mga manggagawa na umento sa sahod..
Para naman kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, hindi man talaga makasasapat pero magdudulot ito ng kaunting ginhawa sa mga manggagawa.
Dahil sa pinakahuling Poverty Statistics ng Philippine Statistics Authority, ang monthly poverty threshold ng isang pamilya na may limang miyembro ay umaabot ng P13,797 kada buwan.
Nagpasalamat naman si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. – na isa sa mga pangunahing may akda ng panukala- na nasimulan nang matalakay ito sa plenaryo.
Ayon kay Revilla, ilang beses nang inihain ang panukalang P150 wage increase sa mga nakalipas na kongreso at ngayon lamang ito umabot sa plenaryo.
Nagpahayag rin ng suporta sa panukala ang iba pang mga senador. | ulat ni Nimfa Asuncion