Inaasahan ng Armed Forces of the Philippines na may mga susunod pang Maritime Cooperative Activity (MCA) sa pagitan ng mga pwersa ng Pilipinas at Estados Unidos at iba pang mga kaalyadong bansa sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad matapos sabihin ng China na “stirring up trouble” ang ginawa ng Pilipinas sa isinagawang sabayang air patrol ng Philippine Air Force (PAF) at US Pacific Air Force kahapon sa West Philippine Sea (WPS).
Binigyang diin ni Col. Trinidad na ang naturang aktibidad ay isinagawa sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas, at pagpapatuloy ng ikatlong MCA sa pagitan ng dalawang pwersa.
Ito aniya ay para mapahusay ang interoperability ng dalawang pwersa at mapalakas ang kapabilidad ng PAF na gampanan ang kanyang mandatong protektahan ang teritoryo, soberanya, at interes ng bansa sa WPS.
Sa panig naman ng PAF, nilinaw ni PAF Spokesperson Col. Maria Consuelo Castillo na ang naturang aktibidad ay hindi kontra sa anumang bansa, at isinagawa nang naaayon sa international rules-based order. | ulat ni Leo Sarne
🎥: PAF 5th Fighter Wing