Lumagda sa isang manifesto ang 53 sa 60 mambabatas mula sa Mindanao upang ihayag ang pagtutol sa isinusulong na secession o paghiwalay ng Mindanao sa Pilipinas.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Lanao del Norte First District Representative Mohamad Khalid Dimaporo hakbang paurong sa pag-unlad ang planong paghiwalay ng Mindanao.
Ang pirmadong dokumento na may titulong “Unified Manifesto of Mindanao Congressmen for National Integrity and Development” ay pagpapakita ng suporta kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi rin pabor sa naturang secession.
Ang kailangan aniya ng Mindanao ay kaunlaran at hindi ang iginigiit na “independence”.
Kasabay nito, hinamon din ng mambabatas ang mga local chief executive na manindigan laban sa paghiwalay ng Mindanao.
Kailangan nila aniyang ilahad ang kanilang panig kung susuporta ba sila sa hakbang pabalik sa madilim na bahagi ng kasaysayan o magiging kaisa sa hangarin ng Pangulo na maisakatuparan ang peace agreement para sa ikatatahimik at ikauunlad ng Bangsamoro region. | ulat ni Kathleen Forbes