Ilang pasaway na mga motorista ang muling natiketan at may mga sasakyan pang nahatak sa ikinasang panibagong operasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Strike Force kaninang umaga.
Kasama sa target ang mga sasakyang iligal na nakaparada sa kahabaan ng C.P. Garcia na nagsisilbing alternate route ng mga motorista.
Isa sa nasampolan ang isang pampasaherong jeepney na pumarada sa harap mismo ng isang ‘no parking sign.’
Nakipagtalo pa ang tsuper ng jeep kay MMDA Strike Force Chief Gabriel Go na sa huli ay umaming nakadalawang beses na rin pa lang na-tow.
Sa kahabaan naman ng Katipunan, ilang sasakyang nakaparada ang tineketan din dahil nakaharang naman sa sidewalk.
Ayon kay MMDA Strike Force Head Gabriel Go, mapupuno na naman ang labindalawang towing truck na bitbit nila dahil nasa walong sasakyan na agad ang nahahatak sa unang oras ng operasyon ng Strike Force. | ulat ni Merry Ann Bastasa