Nagdesisyon ang House Committee on Population and Family Relations na pag-isahin ang tatlong panukalang batas na layong i-modernisa ang civil registration and vital statistics (CRVS) system sa bansa.
Kabilang dito ang House Bill 9572 na iniakda nina Speaker Martin Romualdez, Tingog Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre, Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos, at BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co.
Ayon kay Acidre, ang pagkakaroon ng isang komprehensibo at digitalized na CRVS system sa bansa ay makatutulong para sa mas pinadaling pagpapaabot ng serbisyong pangkalusugan, edukasyon at iba pa.
Inaasahan din na sa pagsasaayos ng CRVS system ay mapadali ang pamamahagi ng ayuda sa panahon ng kalamidad.
Malaking bagay din ang vital statistics sa kinakailangang demographic at health information ng policy makers.
Punto ng mambabatas, inaabot ng tatlo hanggang apat na taon bago ma-update ang demographic statistics ng bansa na kritikal sa economic planning.
Ang Philippine Statistics Authority, katuwang ang mga local civil registry ang mangunguna dito sakaling maging ganap na batas.
Napapanahon naman ani Acidre ang pag-usad ng panukala dahil ipinagdiriwang ngayong buwan ng Pebrero ang Civil Registry Month. | ulat ni Kathleen Forbes