Inaasahang makapagbibigay ng nasa ₱900-bilyong pisong kita sa pamahalaan ang naselyuhang concession agreement para sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ang inihayag ng Department of Transportation (DOTr) makaraang igawad nito sa kumpanyang SMC-SAP Co. Consortium ang kontrata para imodernisa ang pangunahing paliparan ng bansa.
Ayon sa kagawaran, ang 25-taong kontrata sa nanalong concessionaire ay makapagbibigay ng ₱36-na bilyong pisong kita kada taon na magagamit din naman para sa iba pang social at infrastructure projects para rito.
Magugunitang inanunsyo ng DOTr noong isang linggo na nasungkit ng SMC-SAP Co. Consortium ang kontrata sa ilalim ng Public-Private Partnership.
Mas malaki ito kumpara sa ₱23.3-bilyong pisong nai-remit ng kasalukuyang concessionaire na Manila International Airport Authority (MIAA) mula sa taong 2010 hanggang 2023 o katumbas ng ₱1.78-bilyong piso kada taon. | ulat ni Jaymark Dagala