Malaki ang kumpiyansa ng isang mambabatas na lalong lalago ang micro, small and medium enterprise (MSME) sector ng bansa matapos maging ganap na batas ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act.
Ayon kay Manila 2nd District Representative Rolando Valeriano, ang batas na ito ay isa sa mga maipagmamalaking accomplishment ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Mas lalo aniya kasi mapapalakas ang pagiging competitive ng Pilipinas at makatutulong din sa paglikha pa ng mga trabaho.
Punto pa nito, matagal nang programa ng Department of Trade and Industry (DTI) ang Tatak Pinoy pero ngayon lang binigyan ng sariling batas o charter.
Kaya naman hindi na aniya makikihati sa budget ang Tatak Pinoy program sa iba pang programa para sa micro, small, and medium enterprises o MSMEs.
Dahil naman dito, mas aasenso at lalakas ang mga MSME, lalo na sa pagpapabuti ng mga Proudly Filipino-made products at services upang makapag kompitensya overseas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes