Ipinapanukala ni Senador Jinggoy Estrada na patawan na lang ng multa ang mamamahayag, kumpanya ng media o sinumang mapapatunayang nagkasala ng kasong libelo at i-decriminalize na ang libel.
Sa paghahain ng Senate Bill 2521, ipinunto ni Estrada na ang kasalukuyang pagturing kasi bilang krimen sa kasong libel ay hindi nakakatulong at nagdudulot pa ng seryosong banta sa hanay ng mga mamamahayag.
Sa ilalim ng panukala, isinusulong na patawan na lang ng multang P10,000 hanggang P30,000 ang sinumang mahahatulan na nagkasala sa libelo na ginawa sa pamamagitan ng pagsulat, paglilimbag, pagsasahimpapawid sa radyo, cinematographic exhibition, o anumang katulad na paraan.
Itinutulak din ng mambabatas ang P5,000 hanggang P15,000 multa para sa sinumang mapatutunayang nagbanta na maglabas ng malisyosong balita o pahayag tungkol sa isang indibidwal o sa kanyang mga kaanak.
Isinusulong din ni Estrada, na ang pagsasampa ng mga kasong libel laban sa community journalist, publication o broadcast station ay dapat ihain sa Regional Trial Court ng probinsya o syudad kung saan matatagpuan ang pangunahing tanggapan o lugar ng nagkasala. | ulat ni Nimfa Asuncion