Suportado ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang naging paki-usap ng Task Force El Niño sa publiko na kung maaari ay huwag na munang gumamit ng inflatable swimming pool ngayong panahon ng tag-init.
Ito’y upang makatulong na rin sa responsableng paggamit ng tubig lalo’t inaasahan na ang matinding epekto ng El Niño sa mga susunod na buwan.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, personal nilang pinakiki-usapan sa lokal na pamahalaan ang kanilang mga nasasakupan.
Batid naman niya na hindi ito maiiwasan subalit binigyang-diin ng alkalde na hanggat maaari ay dapat matiyak na magiging responsable ang paggamit ng tubig.
Nabatid na sinabi ng PAGASA na naabot na ng Pilipinas ang rurok ng El Niño subalit asahan nang mararamdaman ang epekto nito sa pagsapit ng tag-init. | ulat ni Jaymark Dagala