Patuloy pa ang paggulong ng imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) upang matukoy ang nasa likod ng pangha-hack ng kanilang Facebook page.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Rear Admiral Armand Balilo na base sa kanilang obserbasyon, posibleng ordinaryong hacker lamang ang nang-hack sa kanilang FB page, lalo’t puro movie clips lamang naman ang ipinu-post nito, at tila wala namang nais iparating na mensahe.
Sabi ng opisyal, bagamat wala pa rin sa kanilang hanay ang control sa PCG FB page hanggang sa kasalukuyan, wala namang sensitibong impormasyon ang na-kompromiso sa hacking incident na ito.
“Wala naman na-kompromisong document, kasi puro public post, pulic information. Ang pinangangambahan lang namin ay ang mag-post ng alanganin, at malalaswa, at misinformation, na makita ng mga nagpo-follow at akala nila na Coast Guard and nag-post dito.” -Balilo.
Sa kasalukuyan, nakikipagtulungan na aniya sila sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, maging sa US Embassy, kaugnay dito. | ulat ni Racquel Bayan