Napagkasunduan ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na muling buhayin ang Community Fish Landing Center (CFLC) Project.
Ang naturang proyekto ay sinimulan noong 2015, na layong makatulong na palakasin ang kabuhayan ng mga mangingisda.
Naganap ang kasunduan matapos ang courtesy visit ni NAPC Secretary Lope Santos III at NAPC Vice Chairperson for Basic Sectors Ruperto Aleroza kay BFAR Director Atty. Demosthenes Escoto.
Ayon kay Santos, ang mga mangingisda ang pinakamahirap na sektor sa bansa na naitala sa 30.6% poverty incidence rate noong 2021.
Target aniyang buhayin ang CFLC Project, para mabawasan ang post-harvest losses at palakasin ang kabuhayan ng mga komunidad na naninirahan malapit sa karagatan.
Natukoy ng NAPC, na nasa 729 project sites ang naitayo sa ilalim ng programa ang iba ay operational at ang iba ay hindi dahil walang cold storage equipment at handling facilities.
Sa panig naman ng BFAR, sinabi ni Escoto na ilang beses nang napag-usapan sa Regional Development Council meetings ang pagpapaigting sa operasyon ng CFLC project na malaking bagay para sa mga mangingisda at fisherfolk organization. | ulat ni Diane Lear