Nagpaabot ng labis na pagdadalamhati ang National Anti-Poverty Commission-Formal Labor and Migrant Workers Sectoral Council (NAPC-FLMWSC) sa kalunos-lunos na pagkawala ng maraming buhay sa Maco, Davao de Oro dahil sa landslide noong Pebrero 6, 2024.
Ang kamakailang insidente na nagresulta sa napakaraming pagkamatay ay labis na ikinalungkot ng mga miyembro ng konseho.
Ayon sa grupo, ang kaligtasan ng lahat ng manggagawa, anuman ang industriya na kanilang pinaglilingkuran ay pinakamahalaga.
Binibigyang-diin ng NAPC-FLMWSC ang pangangailangan para sa mahigpit na mga protocol sa kaligtasan.
Dapat may mga hakbang na ipapatupad sa lahat ng operasyon ng pagmimina upang maiwasan na ang mga ganitong trahedya na mangyari sa hinaharap.
Kasabay nito, hinihimok ng grupo ang Apex Mining Corporation, Davao de Oro provincial government at Department of Environment and Natural Resources na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa nangyaring malagim na insidente.
Hinikayat din ng grupo ang Department of Labor and Employment (DOLE) na tingnan ang occupational safety, health at environment policy ng Apex Mining Corporation at agad na magbigay ng tulong sa mga apektadong manggagawa. | ulat ni Rey Ferrer