Pumalo sa P17.4 milyon na penalty ang nakolekta sa mga colorum na sasakyan ngayong unang buwan ng taon.
Ito ay sa pinaigting na Anti-Colorum Campaign ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), at sa pakikipagtulungan sa Philippine Coast Guard (PCG) at Land Transportation Office (LTO).
Batay sa datos ng SAICT, nasa 44 na colorum na sasakyan ang nahuli at pinagmulta simula January 6 hanggang January 31. Kabilang na rito ang mga van, bus, at iba pang public utility vehicles.
Nabatid na nasa P200,000 ang multa sa mga colorum na van habang P1 milyon naman ang ipinapataw sa mga colorum na bus.
Ayon sa SAICT, sumasalamin ito sa commitment ng pamahalaan na prayoridad ang kaligtasan para sa lahat ng mga pasahero.
Umaasa naman ang Department of Transportation, na mas marami pang illegal at hindi rehistradong mga pampublikong sasakyan ang mahuhuli sa pinalakas na kampanya laban sa mga colorum. | ulat ni Diane Lear