Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development na ang ‘Ayuda para sa Kapos ang Kita Program’ (AKAP) ay dinisenyo para sa mga kapus-palad o nabibilang sa “near poor” upang mabigyan sila ng agarang tulong at suportang pinansyal.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, kabilang sa maituturing na nasa “near poor” segment ay ang minimum wage earners na apektado ng pagtaas ng mga bilihin.
Kabilang din sa “near poor” category ang mga naka-graduate na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na kailangan pa rin ng alalay ng gobyerno upang hindi muling mapabilang sa ‘below poverty line’.
“This segment in our society feels excluded from our DSWD programs. An economic shock such as a runaway inflation can easily send the ‘near poor’ back to poverty,” paglilinaw pa ni Secretary Gatchalian.
Binanggit din ng Kalihim na ang pagkakasama ng AKAP program sa General Appropriations Act of 2024 ay isang ‘welcome development’ lalo’t matagal nang kinukonsidera ng ahensya ang ganitong klase ng programa.
“We were already exploring programs that will provide a safety net for those classified as ‘near poor.’ Usec. Mapa briefed us on the value of a ‘near poor’ program so as to prevent a vicious cycle of minimum wage earners and 4Ps graduates going back to poverty,”sabi pa ng DSWD chief.
Sa kasalukuyan, wala pang nagagalaw sa budget na nakalagak sa AKAP batay sa nakasaad sa 2024 GAA, dahil patuloy pa ang ginagawang guidelines dito upang matiyak na maayos na maipatutupad ang programa. | ulat ni Merry Ann Bastasa