Hinihimok ngayon ng National Economic and Development Authority o NEDA ang mga kawani at ahensya ng pamahalaan na bumalangkas ng mga polisiya at programa na magsusulong ng karapatang pantao.
Sa naganap na Ugnayang Bayan Forum 2024, sinabi ni NEDA-Governance Staff Director Reverie Sapaen na kailangan ng mga programang magsusulong ng karapatang pang ekonomiya, sosyal, at kultural ng Pilipinas.
Sinabi rin ng NEDA na nakapaglatag na ang bansa ng ilang human rights-based approaches sa mga programa at proseso nito, kabilang dito ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion, pagsulong ng National Mental Health Care Delivery System, Universal Health Care, Philippine Identification System at iba pa.
Sa kabila nito, kailangan pa aniyang pagbutihin ang mga programa sa kalusugan, housing, social protection at edukasyon upang maisulong ang karapatang pantao lalo na sa mga mahihirap. | ulat ni Diane Lear