Inanunsyo ng Social Security System (SSS) na nahigitan nito ang 62.8% target net income na ₱51-billion noong 2023 matapos na makapagtala ng mas mataas na kinita kaysa sa gastos.
Batay sa 2023 unaudited financial statement ng SSS, umabot sa ₱83-billion ang net income nito noong 2023 na mas mataas kumpara sa ₱52-billion na net income nito noong 2022.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet, ito na ang pinakamalaking net income na naabot ng SSS.
Tumaas aniya ang kinita ng SSS ng 15.6% noong 2023 na naitala sa ₱353 billion mula sa ₱306-billion noong 2022.
Sinabi rin ni Macasaet, napanatili ng SSS ang mababang gastos noong 2023 upang matiyak na ang bawat piso na kontribusyon ng mga miyembro ay nagagamit para sa mga benepisyaryo nito.
Ang maganda aniyang financial performance ng SSS noong nakaraang taon ay dahil sa pinaigting na collection activities ng ahensya at 2023 contribution rate hike. | ulat ni Diane Lear