Inanyayahan ni National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr. ang Commission on Human Rights (CHR) na lumahok sa assessment ng aktibidad ng Task Force.
Ang pahayag ay ginawa ni Usec. Torres kasunod ng panawagan ng CHR sa NTF-ELCAC na i-review ang kanilang mandato at tignan kung paano sila makakatulong sa mga kasalukuyang pangangailangan ng bansa.
Sinabi ni Torres na malinaw naman na iisa lang ang mandato ng NTF-ELCAC na wakasan ang komunistang insurhensya sa bansa, at sa oras na makumpleto na ito sa nalalapit na panahon ay desisyon na ng liderato kung ano ang mangyayari sa Task Force.
Ayon kay Usec. Torres, nakahanda ang NTF-ELCAC na ibigay sa CHR ang lahat ng impormasyong kailangan nila kaugnay ng implementasyon ng mandato ng Task Force.
Dagdag ni Usec. Torres, ang mga kakampi lang ng kilusang komunista ang mananawagan sa pagbuwag ng NTF-ELCAC, lalo pa’t malapit na nitong makumpleto ang kanyang misyon. | ulat ni Leo Sarne