Magbabago ang papel ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para maging National Task Force for Unity, Peace and Development.
Ito ang inihayag ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya sa pulong balitaan sa Department of Foreign Affairs kaugnay ng mungkahi ni United Nations Special Rapporteur Irene Khan na buwagin ang NTF-ELCAC.
Ayon kay Malaya ang pagbabago ng NTF-ELCAC alinsunod sa bisyon ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isang “Bagong Pilipinas” ay mangyayari sa oras na tuluyang mabuwag ang nalalabing 11 napahinang Guerilla front ng New People’s Army (NPA).
Samantala, kapwa naman pinuna ni Malaya at NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr. ang komento ni Khan na “outdated” o wala na sa uso ang NTF-ELCAC.
Binigyang diin ng dalawang opisyal na hindi nawawala sa uso ang mabuting pamamahala sa pamamagitan ng whole of government at whole of Nation approach, na napatunayang epektibo sa pagkamit ng tagumpay laban sa CPP-NPA-NDF sa nakalipas na 5 taon. | ulat ni Leo Sarne