Umaapela ng suporta sa publiko ang Oplan Sagip Tulay o OST Tayabas Heritage Group Incorporated upang maisalba ang Lavares-Labios Ancestral House laban sa napipintong konstruksyon ng South Luzon Expressway Toll Road 4 o SLEX-TR4 project.
Ayon sa pabatid ng grupo, ang nasabing ancestral house na matatagpuan sa Brgy. Calumpang, Tayabas City, ay pagmamay-ari ng mag-asawang Josefina Lavares-Labios at Ideser Labios Sr., at natapos itayo noong July 1952.
Ang bahay na ito ay nagsilbing venue para sa iba’t ibang gawaing pangkomunidad at kultural, at naging shooting location ng pelikulang “Lukaret” ni Director Felino Tañada na isang Lucenahin.
Sa panayam ng OST Tayabas kay Bb. Daisy Labios, ang panganay na anak ng mag-asawa, ipinahayag niya ang pagkadismaya sa posibleng pagkagiba ng kanilang tahanan upang bigyang-daan ang proyekto.
Bagama’t may kapangyarihan aniya ang estado na kunin o bilhin ang mga lupain para sa public infrastructure projects, pinoprotektahan naman ng National Cultural Heritage Act ang mga istrukturang limampung-taon na ang tanda o higit pa, tulad ng Lavares-Labios Ancestral House.
Kaugnay nito, pinangunahan ng OST Tayabas ang isang pagkilos na nanghihikayat sa publiko na lumahok at lumagda sa petisyon upang protektahan ang nasabing ancestral house, at nananawagan naman sa mga ahensya ng gobyerno na ikonsidera ang epekto ng SLEX-TR4 project sa makasaysayang tahanan. | ulat ni Mara Grezula | RP1 Lucena
Photo: OST Tayabas Heritage Group Incorporated