Pagkakataon para sa Office of Transportation Cooperatives o OTC ang tatlong buwang pagpapalawig sa franchise consolidation ng Public Utility Vehicle o PUV modernization program para mahimok na magpa-consolidate ang hindi pa nakakasali sa kooperatiba o korporasyon.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, sinabi ni OTC Chairperson Andy Ortega, sasamantalahin nila ang tatlong buwang extension na ibinigay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para ikutin ang buong bansa.
Partikular dito ang mga lugar na may mababang “consolidation rate”.
Idadaan aniya nila sa pakiusapan at pagpapaliwanag sa kahalagahan ng pagsama sa mga kooperatiba at sa hangarin ng programa para mahikayat ang mga asosasyon na mag-consolidate.
Target din aniya nila na magkasa ng seminar patungkol sa labor laws, fleet management at komprehensibong road use ethics kasama ang LTFRB. | ulat ni Kathleen Forbes