Nag-abiso ngayon ang Office of Transportation Cooperatives (OTC) na patuloy itong magsasagawa ng orientation ukol sa pagbubuo ng transport cooperative at PUV Modernization Program sa buong buwan ng Pebrero.
Ito ay kasunod na rin ng desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na i-extend ang industry consolidation deadline hanggang sa Abril.
Ayon sa OTC, nakahanda itong patuloy na umagapay sa mga PUV operator na tutugon sa huling panawagan ng konsolidasyon.
Bukod sa regular na oras mula Lunes hanggang Biyernes, bukas rin aniya ang tanggapan ng OTC sa lahat ng Miyerkules ng Pebrero, mula alas-10 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali para magbigay serbisyo tungkol sa pag-organisa o pagtatayo ng kooperatibang pansasakyan o “transport cooperative” at iba pang mga kaugnay na transaksyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa