Aabot na sa P1.6 bilyon na halaga ng claims para sa lumubog na MT Princess Empress ang nabayaran na hanggang nitong February 28, isang taon matapos ang insidente.
Ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel kabuuang P3 bilyon na halaga ng compensation claims ang inihain ng mga naapektuhang indibidwal at grupo dahil sa oil spill na dulot ng paglubog ng barko.
Sa naturang halaga, P1.15 bilyon ang napunta sa 42 entities kaugnay sa ginawang clean-up at preventive measures habang halos P43 milyon naman ang ibinayad sa may 3,103 na indibidwal na pawang maliliit na mangingisda dahil sa economic loss o tinatayang P25,600 kada claimant.
Ang London-based International Oil Pollution Compensation Funds (IOPC Funds) katuwang ang The Shipowners Club na isang mutual insurance association.
Pagbabahagi naman ni Pimentel na batay sa IOPC fund report, nahirapan ang pagbabayad sa mga maliliit na claimant dahil sa kawalan ng bank account.
Kaya naman nanawagan na rin ang kongresista sa pamahalaan na palakasin ang financial inclusion ng marginalized Filipinos.
Sa paglubog ng Princess Empress ay nagdulot ito ng polusyon at pagkasira sa mga komonidad sa palibot ng Tayabas Bay, Verde Island Passage at Tablas Strait dahil sa oil spill. | ulat ni Kathleen Jean Forbes