Ibinida ng National Food Authority (NFA) ang P25 na halaga ng bigas kahapon, Pebrero 15, sa isinagawang Serbisyong Iliganon Caravan sa Barangay Poblacion, Iligan City.
Pinangunahan ito ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Iligan sa pamamagitan ng Iligan City Agriculturist’s Office (CAO) katuwang ang NFA – Lanao del Norte Branch Office.
Mahigit 200 tao ang naka-avail ng murang bigas kung saan limitado hanggang apat (4) na kilo ang mabibili ng bawat tao.
Sa panayam ng RP Iligan kay Barangay Affairs Office (BAO) Division Head Marlon A. Caplano, pinaprayoridad talaga nila ang mga residente para makabili ng murang bigas.
Nagpapaalala rin si Caplano sa publiko na magbibigay ng libreng bigas ang Police Regional Office (PRO) 10 sa susunod na Serbisyong Iliganon Caravan sa barangay Mainit, Kalilangan, Dulag, Panoroganan, Lanipao, at Rogongon sa lungsod ng Iligan. | ulat ni Sharif Timhar | RP1 Iligan
📸 PIA Iligan and Lanao del Norte