Posibleng hinihintay lang umano ang buyer ng mga narekober na shells ng taklobo na tinatayang aabot sa P8.1 milyon ang halaga nang matagpuan ito ng mga kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) sa dalampasigan ng Bgy. Sebaring sa Bayan ng Balabac, Palawan nitong ika-14 ng Pebrero.
Paliwang ng tagapagsalita ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) na si Jovic Fabello na nakita ang mga shell ng taklobo na closest substitute o pinakamalapit na pamalit sa ivory trade na hindi na talaga pinapayagan sa panahong ito.
Malaki umano ang demand nito sa mga bansa sa Europa at maging sa Japan at China kung kaya’t sinasamantala ito ng mga middleman.
Binanggit pa ni Fabello na noong kasagsagan ng pandemya ay mayroon din silang narekober na mga shells ng taklobo sa hilagang bahagi ng Palawan tulad ng Roxas, Taytay at Dumaran na ang iba ay mas malalaki pa sa narekober ng coastguard nitong Pebrero.
Samantala, binigyang-diin ni Fabello na ipinagbabawal ang pangongolekta ng mga giant clams o taklobo kahit pa gamitin lamang ito na pagkain.
Tanging sa mga scientific researches lamang aniya pinapayagan ang pagkuha nito dahil highly threatened ang nasabing wildlife species at may kaaakibat na parusa sa ilalim ng RA 9147 o Wildlife Resources and Protection Act at sa ilalim ng Philippine Fisheries Code. | ulat ni Lyzl Pilapil | RP1 Palawan