Naglagay ng solar-powered facility ang 106th Infantry “Tigpanalipod” Battalion ng Philippine Army sa isang liblib na barangay sa Zamboanga Sibugay.
Kasama ng Tigpanalipod Battalion sa paglagay ng pasilidad ang 4th Civil Relations Group (4CRG), at ang isang communicators group na Radio Emergency Associated Communication Team-9 (REACT-9).
Ang resipyente ng nasabing proyekto ay ang Barangay Shiolan sa bayan ng Kabasalan ng nabanggit na lalawigan.
Para sa kabatiran ng lahat, ang Barangay Shiolan ay nasa sa dulo’t hangganan ng Zamboanga Sibugay at bayan ng Godod sa lalawigan ng Zamboanga del Norte.
Ang inilagay na solar-powered facility ay ang 22 solar lights na may solar charging system, at dalawang solar charging controllers.
Ayon kay Lt. Col. Anshary Pumbaya, commanding officer ng 106th IB, isang solar charging system at controller ang kanilang inilagay sa Shiolan Elementary School, at ang kahalintulad na pasilidad sa kanilang patrol base ay kinumpuni at muling inilagay.
Aniya, ang Barangay Shiolan ay pinakamalayong barangay ng Kabasalan, na mula’t sa pol, ay walang kuryente at bihirang maabutan ng serbisyo ng lokal na pamahalaan.
Ang tanging paraan na marating ang Barangay Shiolan ay maglakad ng tatlong oras, at 36 na ilog ang tatawirin.
Maliban sa paglalagay ng solar-powered facility, ang 106IB, 4CRG at ang REACT-9 ay nagsagawa rin ng community outreach program sa Barangay Shiolan. | ulat ni Lesty Cobol | RP1 Zamboanga Sibugay
📸 CMO, 106th Infantry “Tigpanalipod” Battalion, Philippine Army