Naniniwala si National Economic and Development Authority (NEDA) Sec. Arsenio Balisacan na susi sa pagkamit ng Philippine Development Plan 2023-2028 ang pagdagsa ng investment sa bansa bagay na nilalayon ng panukalang amyenda sa economic provisions ng saligang batas.
Sa opening statement ni Balisacan sa pagdinig ng Committee of Whole sa Constitutional Amendments, sinabi nito na kinikilala ng NEDA ang kahalagahan ng pag-update ng konstitusyon upang makasabay ang Pilipinas sa mga karatig bansa sa Southeast Asia na naungusan na tayo sa dami ng kanilang foreign direct investments.
Aniya, bilang isang miyembro ng academic community at estudyante ng Philippine Economic Development, pinag-aralan nila at nasaksihan kung papaano napalampas ng Pilipinas ang ilang pagkakataon na makaakit ng foreign direct investment.
Diin ng kalihim na kung bubuksan ang public utilities sa foreign investment paghuhusayin nito ang kalidad at mas murang serbisyo sa mga Pilipino gaya ng energy at water distribution.
Ayon kay Balisacan ang inisyatiba ay hindi nag-iisang solusyon sa ating mga problema sa ekonomiya pero magsisilbi aniya itong “complementary strategy” upang buksan ang economic potential ng bansa.
Hinikayat nito ang mga mambabatas na ipagpatuloy ang deliberasyon sa panukalang pag-amyenda at magtulungan upang matiyak ang resilient at inclusive na kinabukasan ng mga Pilipino. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes