Naniniwala ang National Economic and Development Authority (NEDA) na magsisilbing susi sa paglago ng ekonomiya ang pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas.
Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan, nagbigay na ng direktiba si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat i-update ang Saligang Batas upang matugunan ang mga kasalukuyang hamon at maihanda ang bansa sa mga problemang kahaharapin sa hinaharap.
Binigyang diin ng Kalihim na ilan sa mga nais amyendahan sa Saligang Batas ay ang pag-alis ng restrictions sa sinuman na magmay-ari ng public utilities, education institution, mass media at advertising.
Sa ganitong paraan ani Balisacan, mapalalakas ang mga nabanggit na sektor sa pamamagitan ng panghihikayat ng mas maraming mamumuhunan na siyang susi naman sa pagpapaunlad ng ekonomiya.
Inilabas ng NEDA ang pahayag matapos namang humarap ang economic team ng administrasyon sa mga mambabatas sa Kamara na tumatalakay sa nasabing panukala. | ulat ni Jaymark Dagala